Nalampasan ni Alex Eala ang unang niyang pagsubok sa Round of 128 ng Italian Open sa Rome ngayong Miyerkoles makaraang pataubin ang kalaban na si Magdalena Frech ng Poland, 6–0, 3–6, 6–4.

Matapos walisin ang first set [6-0), muntikan pang gumuho ang momentum ni Alex dahil sa nagawang error at makuha ni French ang ikalawang set sa iskor na 3–6.

Sa set 3, naging malakas ang simula ni Frech na nagtala ng kalamangan na 3-1. Pero bumawi si Eala at nakuha ang sumunod na tatlong laro upang maagaw ang lamang sa 4-3.

Gayunman, gumanti si Frech sa pamamagitan ng isa pang service ace sa ikawalong laro upang maitabla ang set sa 4–4.

Naging kritikal ang sumunod na laro nang magpalitan ng matitinding tira sina Eala at Frech. Nakuha ng Pinay tennis ace ang kalamangan sa pamamagitan ng tatlong advantage points, habang ang sunod-sunod na pagkakamali ni Frech ang nagbigay-daan upang mabasag ni Eala ang tabla at makalapit sa panalo sa 5–4.

Bahagyang nahirapan si Eala na tapusin ang laban, ngunit isang backhand shot sa dulo ng mahabang rally ang naghatid sa kanya sa panalo at sa susunod na yugto ng torneo.

Sunod na haharapin ni Eala ang World No. 31 seed na si Xinyu Wang ng China para sa Round of 64. – Bea Micaller/FRJ GMA News