Ibinahagi nina Mikee Quintos at Heaven Peralejo kung paano nag-umpisa ang kanilang pagkakaibigan at pagiging close sa isa’t isa.
Sa kanilang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda,” ikinuwento ni Heaven na may isang event siya para sa Santacruzan noon at inaayusan ng kaniyang makeup artist nang hindi niya mapigilang umiyak.
Nagkataong iisa lamang ng makeup artist sina Heaven at Mikee.
“Tapos sabi niya, ‘Huwag kang umiiyak. Halika na, pumunta tayong Siargao.’ Sabi ko, ‘Ha, paano ‘yun?’ Sabi niya, ‘Hindi. Huwag kang mag-alala, kasama natin si Mikee. Doon tayo maghi-heal,” kuwento ni Heaven.
Kalaunan, napapayag na rin si Heaven na mag-book kasama si Mikee.
Si Mikee naman, inalalang sa parehong high school sila nag-aral ni Heaven.
“Same high school kaming nagpunta ni Heaven. So, I knew her like since high school. Two batches lower siya sa akin. Nakakasalubong ko siya,” ani Mikee.
Noong nasa Hawaii, ikinuwento ni Heaven kay Mikee ang alaala nito sa kaniya noong nasa high school sila.
“Hinuhuli niya ako sa uniform ko. Hindi niya maalala,” kuwento ni Heaven.
“Mababa, Tito Boy. Pumuporma na, pumuporma 'yung babaeng ‘yan!” sabi naman ni Mikee.
Pagpapatuloy ni Heaven, “Sabi niya, ‘Where's your navel?’ Sobrang kaba ko.”
Paliwanag ni Mikee, patakaran ng kanilang eskuwelahan na dapat pantay ang strap ng uniporme sa pusod pagdating sa pananamit ng mga babae.
“Kasi dapat 'yung hips, kung saan 'yung strap ng uniform, sa pusod, kung saan 'yung navel. ‘Where's your navel?’ Kasi ang baba nu'ng kaniya,” ani Mikee.
May nakatutuwang tugon sa kaniya si Heaven.
“Sabi ko talaga, ‘Wala, wala akong navel,’” kuwento ni Heaven.
Pero ayon kay Mikee, hindi na niya ito maalala.
“Ang naalala ko lang si Heaven na magandang lower batch ko. Tapos, I remember her kasi nag-stand out naman na siya. Tapos, nagkataon, after a few years, we worked in the same industry,” ani Mikee.
Kalaunan, parehong pumasok sina Mikee at Heaven sa showbiz, ngunit magkaiba ng network.
“But I was watching her from afar until that Siargao happened. It just so happens we have the same makeup artist,” sabi ni Mikee.
Vibe check
Bago lumipad pa-Siargao, ibinahagi rin ng dalawa na nag-“vibe check” muna sila, o tiningnan kung magkakasundo sila.
“Nag-meet kami once before Siargao... Vibe check nga Tito Boy. I-check mo kung click kayo,’” ayon kay Mikee.
“Relationship work. Yes, we do that for like, taping talaga, for projects. But, we kinda did it for real life,” dagdag ni Mikee.
Inihayag din ng dalawa na gusto nilang makatrabaho ang isa’t isa.
"Ako unang nag-express, parang sa Hawaii," sabi ni Mikee. "Sabi ko, 'Sana magka-work tayo eventually. Gusto kita makita magtrabaho, sa set pa'no ka.'"
"Sabi niya, 'Te ganito ko mag-work ah. Gan'to ko mag-work. Parang, 'Seryoso, makikipagbiruan tayo sige, pero 'pag take, take tayo, professional tayo, ganyan,'" pag-alala ni Mikee na sinabi sa kaniya ni Heaven noong nasa Siargao.
"Tas sabi ko sa kaniya, 'Huy, ganiyan din ako mag-work ah. Maayos din ako. Mapagbiro ako, mapagloko ako. Hindi lang ako mukhang professional pero professional ako ah,'" sabi pa ni Mikee.—FRJ GMA News
