Isang lalaki ang nahuli-cam na tinangkang saksakin ng kutsilyo ang isang traffic constable sa Quezon City. Pero kung anong tapang ng lalaki sa labas ng kalsada, kabaligtaran naman nang hulihin na siya ng mga pulis matapos siyang magtago sa aparador sa kaniyang bahay.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa cellphone video na kuha ng isang concerned citizen ang pag-amba ng patalim ng suspek sa harap ng dalawang nakaunipormeng traffic constable ng Metro Manila Development Authority.
Ang naturang video ay ibinigay umano ng concerned citizen sa pulisya na nagsagawa naman ng aksyon para mahuli ang lalaking may hawak ng patalim na nakilalang si Ian Vidallo, 28-anyos.
Ayon sa traffic constable na si Arturo Toledo, nauna niyang sinita si Vidallo sa Commonwealth Avenue sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City dahil nag-counter flow ito ng kaniyang sasakyan.
Kinalaunan, nagulat na lang daw sila ng kaniyang kasama nang puntahan sila ni Vidallo para komprontahin habang may hawak ng patalim.
Sa video, makikitang tatlong beses iwinasiwas ng suspek ang patalim na nailagan naman ni Toledo.
Nang susugurin na nila si Vidallo, kaagad itong umalis pero nagbanta pa laban sa mga traffic constable.
Dumulog naman sa pulisya sa QCPD Station 6 si Toledo at kaagad na pinuntahan ang bahay ni Vidallo. Noong una, itinago pa ng mga kaanak ang suspek pero nakita rin na nagtatago sa loob ng aparador at umiiyak pa.
Nabawi rin ng mga pulis ang sinasabing patalim na hawak ng suspek nang sugurin nito ang mga traffic enforcer.
Sa istasyon ng pulisya, nagmakaawa ang pamilya ng suspek na patawarin ng biktima si Vidallo, na nahaharap sa mga reklamong resisting arrest, attempted homicide at direct assault. -- FRJ, GMA News
