Nagdeklara ng State of Local Emergency ang munisipyo ng Bongao sa Tawi-Tawi dahil sa kakulangan ng suplay ng mga produktong petrolyo.

Sa Executive Order No. 22 na nilagdaan ni Mayor Jasper Que, nakasaad na ang Bongao ay kasalukuyang nakararanas ng “critical shortage of fuel (diesel and gasoline) due to the unavailability of supply sources."

Ayon sa kautusan, ang naturang problema ay nakakaapekto sa kanilang transportasyon, operasyon sa pangingisda, paghahatid ng mga pangunahing bilihin, at tuloy-tuloy na pagbibigay ng mahahalagang serbisyo ng pamahalaan.

"The continuing shortage poses a serious threat to public welfare, economic stability, and the delivery of essential services, with the most vulnerable sectors, particularly small-scale fisherfolk, daily wage earners, and transport operators, bearing the brunt of this crisis," dagdag pa sa kautusan.

Pinahihintulutan ng deklarasyon ang paggamit ng local calamity funds at agarang pagpapatupad ng kailangang mga hakbang para tugunan ang mga problema.

"The local government unit shall undertake all necessary actions to manage and respond to the situation in accordance with applicable laws and regulations," saad pa sa kautusan.

Patuloy na nahaharap ang bansa sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dulot ng sigalot sa Middle East kaugnay ng ginagawang pag-atake ng US at Israel, laban sa Iran.

Kamakailan lang, nagdeklara si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng state of national energy emergency, at iniutos ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para sa mga apektadong sektor. —FRJ GMA News