Kasabay ng paggunita ng Semana Santa sa maraming Pilipino ang pagsunod sa iba’t ibang pamahiin. Paalala ng isang alagad ng Simbahang Katolika sa publiko, higit na mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang pananampalataya at hindi ang mga paniniwala na walang sapat na batayan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV News nitong Huwebes Santo, sinabi ni Christian Claveria na kabilang siya sa mga sumusunod sa mga paniniwala na bilin ng mga nakatatanda.
“Kadalasan ‘yun ang sinasabi ng matatanda, kaya susunod na lang ako,” saad niya.
Ganoon din si Vivian Toledo na nagsabing mas istrikto ang mga paniniwala sa Biyernes Santo, na sinasabing patay si Hesus.
“Bawal mag-ingay. Huwag lalabas. Stay ka lang sa bahay,” sabi niya.
Ayon sa mga opisyal ng simbahan, katanggap-tanggap ang pagpapahalaga sa katahimikan tuwing Semana Santa. Ngunit dapat itong maunawaan bilang bahagi ng pagninilay, at hindi dahil sa may pinapangambahan.
BASAHIN: Bawal nga bang maligo tuwing Biyernes Santo? Alamin ang sagot ni Archbishop Soc Viilegas
Nilinaw ni Rev. Fr. Jerald Jimenez, parochial vicar ng St. John the Evangelist Cathedral, na may ilang paniniwala na walang batayan sa turo ng simbahan.
“Una sa lahat, walang turo ang simbahan na nagsasabing bawal maligo sa Biyernes Santo. Ang sabi ng simbahan, pagtuunan ng pansin ang selebrasyon ng ating pagmamahal kay Kristo,” paliwanag niya.
Ang mga palaspas, karaniwan namang pinaniniwalaang nakapagtataboy ng masasamang espiritu kaya inilalagay sa pintuan o bintana ng mga bahay. Ngunit ayon kay Fr. Jimenez, hindi anting-anting ang mga palaspas.
“Ang palaspas ay hindi anting-anting o pantaboy sa masamang elemento, kundi hudyat ito ng Semana Santa,” dagdag ni Jimenez.
May ilang pamilya rin na umiiwas sa malalayong biyahe tuwing Semana Santa dahil sa paniniwala na malas at posibleng maaksidente. Ayon sa pari, ang mga ganitong gawain ay bahagi ng kulturang Pilipino at hindi doktrinang pangrelihiyon.
“Obviously, hindi na natin dapat paniwalaan ang mga ito. Kasi sa ating pananampalataya, sa paniniwala natin sa pamahiin ay taliwas sa paniniwala sa ating Diyos,” giit niya.
Hinimok ng simbahan ang mga mananampalataya na ituon ang pansin sa tunay na kahulugan ng Semana Santa na ang pagmamahal at sakripisyo ni Kristo.
Sa halip na takot, sinabi ni Jimenez na dapat tumugon ang mga tao nang may pasasalamat.
Dagdag pa niya, ang Diyos ay nananawagan ng pagmamahal at pasasalamat, hindi takot, habang ginugunita ng mga mananampalataya ang panahong ito. – FRJ GMA News

