Patuloy ang isinasagawang clearing operation ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga bagay na nakaharang sa daanan. Sa Quezon City, pumalag at nakipag-agawan sa MMDA ang magkakaanak na babae para hindi makuha ang kanilang tarpaulin.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing sa paligid ng dalawang bus terminal sa Cubao, Quezon City isinagawa ng MMDA ang kanilang clearing operations bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.

Pero hindi umano inasahan ng mga tauhan ng MMDA na mapapaaway sila sa isang grupo ng mga magkakaanak na babae na makipag-agawan sa kanila sa kukumpirkahing tarpaulin na nakaharang umano sa bangketa.

Ang isa sa mga babae, sumugod na sakay ng motorsiklo. Bagaman nakasuot siya ng helmet, naka-tsenelas lang siya na ipinagbabawal kaya tinekitan din siya ng MMDA.

Ang iba pang residente sa lugar, wala nang nagawa kung hindi sumunod sa MMDA para linisin at alisin ang kanilang mga bagay na nakahambalang sa daanan.-- FRJ, GMA News