Patay ang isang 64-anyos na lola matapos siyang masagasaan ng truck habang nagbibisikleta sa San Fernando City sa Pampanga.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage na kuha noong Lunes na nagbibisikleta ang biktima nang mabundol sila ng truck na nakasunod sa kaniya.
Natumba ang biktima at nagulungan ng truck na dahilan ng agad niyang pagpanaw.
Ayon kay Police Major Michael Ray Pamintuan, substation commander, San Fernando Police, may iniwasan na naka-park sa gilid ng kalsada ang biktima kaya pumunta ang lola sa linya ng truck.
“Hindi napansin nung truck [driver] na umiwas yung victim doon sa naka-park [na sasakyan] kaya na-sidesweep niya [ang biktima],” sabi ni Pamintuan.
“Pagka-sidesweep niya, tumama yung ulo ng victim (sa motor) pagkatapos nagulungan ng truck,” dagdag niya.
Ayon sa pulisya, hindi na sasampahan ng kaso ang driver ng truck matapos itong makipag-usap sa pamilya ng biktima.—FRJ GMA News
