Nasawi ang isang 38-anyos na babaeng rider matapos siyang masagi at magulungan ng truck sa isang tulay sa Mandaue City, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Cansaga Bay Bridge sa Barangay Paknaan nitong Martes ng hapon, June 9.

Ayon sa mga awtoridad, tinatahak ng dalawang sasakyan ang parehong direksyon nang masagi ng truck ang motorsiklo at nagulungan ang biktima.

Sinabi ni Arnold Malig-on, pinuno ng Mandaue City Command Center, na hindi umano namalayan ng driver ng truck na may naaksidente siya at nagpatuloy pa rin sa biyahe.

Gayunman, nahabol ang truck at napahinto pagdating malapit sa isang mall, at inaresto ang driver. – FRJ GMA News