Naghihinagpis ngayon ang ina ng Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia, matapos itong malunod sa isang team building activity sa Dipaculao, Aurora. Sino nga ba ang dapat managot kapag nagkaroon ng mga aksidente sa aktibidad ng paaralan o unibersidad?

Sa “Ask Atty. Gaby” sa programang “Unang Hirit” nitong Miyerkoles, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na depende ito sa edad ng mga estudyanteng sangkot.

Ayon sa kaniya, iba ang tingin ng batas sa antas ng proteksiyon, dahil iba ang pagtrato kung ang sangkot ba ay menor de edad, o kung “adult children” o nasa kolehiyo na, na mayroon nang sariling diskarte at buhay.

Nakasaad sa Article 218 at 219 ng Family Code, na kapag inihabilin na ng isang magulang ang kaniyang menor de edad na anak sa paaralan, at iniwan ito sa gate ng eskwelahan, nagkakaroon ng special parental authority ang paaralan, ang mga administrador at mga guro nito.

“Ibig sabihin, kung may mangyari at may nagawa ang mga bata na dapat ay binabantayan nila –sila ang maaaring managot for damages kung makikita na may pagpapabaya. Usually kasi ang mga magulang ang mananagot. Pero dahil sa Article 218, ang paaralan ang mananagot,” sabi niya.

Sa ilalim pa ng batas, tinatawag na “in loco parentis” ang mga paaralan, guro at staff nito, na tumatayo bilang mga magulang habang nasa ilalim ng kanilang supervision, instruction o custody ang mga menor de edad.

Dagdag pa ni Atty. Gaby, applicable ang pananagutan ng paaralan kung may mangyari, maging class time, recess time o outside the school premises man, basta pasok sa isang school-related activity.

Pagdating naman sa mga anak na nasa kolehiyo na, hindi na “in loco parentis” ang antas ng pangangalaga na hinihingi. Ngunit may obligasyon pa rin ang mga kolehiyo at unibersidad na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante lalo kung mga off-campus activities ang mga ito.

Kabilang sa mga off-campus na gawain ang mga internships, field trips, field studies, non-curricular based activities tulad ng immersions/reach-out programs, volunteer work, inter school competitions, cultural performances, at team development activities.

Naaayon ito sa polisiya na inilabas ng CHED o ang Commission for Higher Education kung saan safety and welfare ng mga estudyante ang pangunahing layunin.

Kung nasaktan ang estudyante o namatay, bumabagsak ito sa general rule na dapat managot sa ilalim ng ating batas ang lahat ng guilty ng negligence o pagpapabaya.

“Hindi excuse na ‘hindi sinasadya’ o ‘isang aksidente lamang ang nangyari.’ Dahil kung may mga indikasyon na preventable sana ang nangyari, at kung foreseeable ang danger, tulad nga nito, dangerous ang beach at walang masyadong tao, dapat ito ay pinaghandaan, may posibleng liyabilidad [pananagutan] para sa pagpapabaya,” ani Atty. Gaby.

“Lalo na kung meron na palang nangyari in the past in a similar training camp of field trip na nalagay na sa panganib ang isang estudyante pero inulit pang muli. Kailangan na nilang maghanap ng plausible excuse para sa mga pangyayari,” dagdag pa niya.

Saad pa ng abogada, ayon pa sa Korte Suprema kaugnay ng isang kaso na sangkot ang isang unibersidad, kapag nag-enroll ang isang bata, kahit na hindi menor de edad at adult na, at kahit hindi na “in loco parentis” ang eskuwelahan, mayroong kontrata sa pagitan ng paaralan at ng estudyante na may obligasyon ang paaralan na magbigay ng isang “safe learning environment.”

Wala ring dapat na kakulangan sa pagprotekta ng paaralan sa mga naka-enroll sa kanila.

Pagdating naman sa anti hazing law, dapat na bantay-sarado ang mga organisasyon, hindi lamang mga fraternity at sorority, kundi kasama pati ang mga academic at varsity clubs, cultural and performing arts groups, athletic teams.

“Malaki ang obligasyon ng paaralan na siguraduhin na walang mga initiation rites o physical, mental emotional pasakit ang nangyayari,” sabi niya.

Mayroong mga criminal, civil at administrative na mga kaso na maaaring kaharapin ang isang paaralan.

“Sa kahit na anong kaso, kahit na ito ay hindi isang deliberate na offense – kung may pagpapabaya na nangyari, possible ang paghain ng isang criminal na kaso kung maipapakita na ang level of negligence ay almost criminal na rin in nature,” ani Atty. Gaby.

“Kahit anong halaga ng danyos ay hindi makapapantay sa halaga ng buhay ng nawala,” dagdag niya.—FRJ GMA News