Isang lalaki ang sugatan matapos pagsasaksakin ng isang lalaking Sudanese sa Belfast, Northern Ireland.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa isang video na tinatangkang tulungan ng tatlong lalaki ang biktima habang hawak siya ng suspek.

Dumating kalaunan ang pulisya at inaresto ang suspek.

Nahaharap ang suspek sa reklamong attempted murder.

Nagtamo ng mga sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Nag-umpisa ang kabi-kabilang anti-immigrant rally sa ilang parte ng lungsod.

Sinilaban ng mga nagpoprotesta ang ilang sasakyan sa kalsada, tulad ng bus at kotse, pati na rin ang ilang gamit sa gitna ng kalye at ilang bahay.

Kinailangang ilikas ang mga apektadong residente.

Sinalakay din ng mga nagpoprotesta ang ilang pulis.

Kinondena ng UK Secretary of State ang kaguluhan.

Nagdagdag na ng mga tauhan ang kapulisan at mas pinaigting ang seguridad.

Sinabi ng British prime minister na mananagot ang mga nasa likod ng mga marahas na protesta. —Jamil Santos/VBL GMA News