Sa kaniyang guesting sa vodcast na “Your Honor,” nagpaliwanag si Empoy Marquez kung bakit ayaw niyang ahitin ang kaniyang bigote. Ang host naman ng programang si Chariz Solomon, ipinakita ang posibleng hitsura ni Empoy kapag walang bigote.

“Pagka nag-ahit ako ng bigote, mukha kasi akong tomboy talaga,” sabi ni Empoy sa “Your Honor.”

“Dati kasi nag-ahit na ako. Ang naging kamukha ko diyan, sina Doris Bigornia, si Eugene Domingo, si Direk Joyce Bernal. Puro mga ganito ‘yung buhok,” sabi pa ng komedyante.

Ayon kay Empoy, itinuturing niya ang kaniyang bigote bilang isang “asset.”

“Siguro dahil nasanay. Asset,” sabi niya.

“Asset ng PDEA?” biro naman ng isa pang host ng show na si Buboy Villar.

Upang malaman kung ano ang hitsura ni Empoy na walang bigote, gumamit ng app si Chariz, at inalisan ng bigote ang larawan ng kanilang guest.

“Actually may hawig kayo ni Blaster (Silonga), IV of Spades, na may pagka-unique,” natatawang sabi ni Buboy kay Empoy.

Sa kabila nito, inihayag nina Chariz at Buboy ang paghanga nila kay Empoy.

“Pero pogi naman si Empoy. Ang ganda ng ilong niya, ang liit,” komento ni Chariz.

“Ako gusto ko kay Empoy, ‘yung mata naman niya. Maganda ‘yung mga mata ni Empoy,” sabi naman ni Buboy.

Hirit ni Empoy, “Ba't ‘di niyo bilhin lahat?”

Panoorin ang nakatutuwang episode na ito ng Your Honor. – FRJ GMA News