Isa ang patay sa karambola ng anim na sasakyan sa bayan ng Atimonan sa lalawigan ng Quezon, Huwebes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Atimonan police, nangyari ang karambola sa Diversion Road sa Sitio Salulo, Barangay Malinao Ilaya, Atimonan, dakong 6:30 ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Gregorio Calbaza ng Tuguegarao City, Cagayan —ang driver ng truck na may kargang bigas.

Photo courtesy: Atimonan PRIO

 

Masuwerteng walang nagtamo ng matinding pinsala sa mga pasahero ng tatlong pampasaherong bus na sangkot sa insidente.

Ayon sa mga pulis, minor injuries lamang umano ang natamo ng mga pasahero at lahat ay hindi na nagpadala sa pagamutan.

Nagdulot naman ng matinding trapiko ang karambola na kinasasangkutan ng tatlong pampasaherong bus units mula sa RU Diaz Bus, Silver Star Bus, at DLTB bus; isang six-wheeler truck na may kargang bigas; isang Hyundai Van; at isang six-wheeler fish dealer truck.

Patungo ang mga sasakyan sa Bicol. Sa tindi ng pagsalpok ay wasak na wasak ang six-wheeler truck na may kargang bigas.

Naging pahirapan ang pag rescue sa driver nito na nasawi.  —Peewee Bacuño/LBG, GMA News