Sa nalalapit na pansamantalang pagsasara sa Boracay sa mga turista para sa gagawing rehabilitasyon simula sa Abril 26, inilabas ng Department of the Interior and Local Government ang paunang panuntunan na ipatutupad sa anim na buwang off-limits sa turista ang isla.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing tanging mga residente lamang sa isla ang papayagang pumasok simula sa Abril 26.

Dapat umanong ipakita ng mga residente ang ibibigay sa kanilang identification card na nagsasaad ng kanilang tirahan sa Boracay.

"The rule is, you get government ID where your address in the island is mentioned. Or kung wala kang government ID, an ordinary ID with the address including a barangay certifcation," ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III.

Ang mga turista na nakapag-"book" sa mga hotel ilang araw bago ang Abril 26, papayagan pang manatili sa isla.

"Let's say nakapag-book ka ng 24, 25, siyempre naka-book ka for four days, abot ka [ng] 28, 29. I think they will still allow them to finish the booking. However, as per [the Department of Tourism], I think nobody should be in the island totally by May 1," paliwanag ni Densing.

Maliban sa mga turista, hindi rin papayagan na makapasok sa Boracay ang mga bisita ng mga residente sa isla, maliban kung emergency.

Ayon kay Incoming Philippine National Police chief Director Oscar Albayalde, nasa 400 pulis ang itatalaga sa Caticlan Jetty Port, kung saan nakadaong ang mga bangka na naghahatid sa mga pasahero patungo sa isla.

"Hindi naman talaga huhulihin na ikukulong, aalisin lang don sa island na 'yon," paliwanag ni Albayalde.

Puwede pa rin namang maligo sa dagat ang mga residente ng isla. Pero sa Angol Beach lamang mula 6 a.m. hanggang 5 p.m.

Kailangan naman ipa-revalidate sa Bureau of Immigration ng mga dayuhang residente sa isla ang kanilang mga dokumento.

Sinabi naman ng DILG na ang mga manggagawa na maapektuhan ng pagsasara at makakakuha ng pinansiyal na ayuda mula sa inilaang P2 bilyong calamity fund.

Maaari umanong makakuha ng minimum wage na P325 ang mga resort employees, habang ang mga informal workers sa isla gaya ng mga vendor at masahista ay maaaring makakuha ng 70 porsiyento ng minimum wage pero kailangan nilang tumulong sa gagawing rehabilitasyon ng lugar.

"They have to work. For instance, we need people to help us in the dismantling of the illegal structures in the forest and wetlands," ayon kay Densing.— FRJ, GMA News