"Sobra na 'yung ginawa nila eh pareho naman kaming lalaki. Binaril ko. Mabuti buhay pa siya."

Tila walang pinagsisisihan ang off-duty security guard na si Chito Jimenez matapos barilin ang pinagselosan niyang lalaki sa Mandaluyong City nitong Martes.

Kwento niya sa ulat ni Mav Gonzales sa Saksi, matagal na silang nagkakalabuan ng kinakasama niyang babae.

Sinusubukan daw niyang ayusin ang relasyon o humingi ng maayos na paghihiwalay.

Ang kaso, pinagtataguan siya ng babae.

Hanggang sa may nakapagkuwento raw sa kanya na kasintahan na ng babae ang isa pang security guard na nakatrabaho niya rin dati.

Kaya kinumpronta ng suspek ang biktimang si Angelo Eyo.

"Kuwento mo sa 'kin kung sino. Maintindihan ko. Eh ayaw niya. Tinawanan pa ako tapos nagtalikod pa siya. Pagharap no'n sabi ko dito na tayo, putukan tayo. Pinutok ko. Sobra na ma'am eh," kuwento ng suspek.

Tinamaan sa tagiliran ang biktima at dinala sa ospital para maoperahan.

Agad ding dumating ang mga rumespondeng pulis.

"Pagdating namin may nakasalubong kaming lalaki na nagtutugma sa description na tinawag sa amin na may hawak na baril. Inaresto na namin siya," ayon kay Police Officer 1 Gerben Romero, ang arresting officer sa kaso.

Nakuha sa suspek ang isang improvised shotgun at mga bala. Kakasuhan siya ng frustrated homicide. —JST, GMA News