Huli sa entrapment operation sa Quezon City ang isang lalaki na nagbanta umano sa kaniyang dating kinakasama na ikakalat ang maselan nitong larawan kapag hindi nakipagkita sa kaniya para makipagtalik.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, humingi ng tulong sa pulisya ang 24-anyos na biktima matapos siyang pabantaan ng suspek na si Billy Nillas, na sisiraan sa social media gamit umano ang mga sensitibong niyang larawan.
Napag-alaman na nakipaghiwalay ang biktima sa suspek dahil sa selos pero nakuha ng lalaki ang cellphone ng babae at ilan pa nitong gamit.
Ibabalik lang umano ng suspek ang mga gamit ng biktima kapag pumayag na makipagtalik sa kaniya at kung hindi ay ikakalat nito sa social media ang kaniyang mga maselang larawan.
Dahil dito, ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment operation nitong tanghali ng Miyerkules at nadakip si Nillas.
Nang magkaharap ang dalawa sa presinto, humingi ng tawad ang lalaki sa biktima at ibinalik ang mga gamit nito.
Inamin din ng suspek na selos ang dahilan kaya niya tinakot ang biktima.
Pero kahit naibalik na sa biktima ang kaniyang mga gamit, nagdesisyon pa rin ang babae na ituloy ang reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and Children Act.-- FRJ, GMA News
