Isang lalaking nasa drug watchlist ang dinakip matapos niyang i-hostage ang sariling anak at pugutan pa ang kaniyang kinakasama sa Quezon City. Ang lumilitaw na dahilan ng suspek kaya raw niya nagawa ang krimen, selos at nakagamit siya ng droga.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing naalerto ang mga pulis na off-duty dahil sa mga putok ng baril sa isang bahagi ng Batasan Hills kaninang tanghali.
Nang puntahan nila ang pinanggalingan ng putok, nakita nila ang suspek na armado ng baril at hawak ang 3-anyos niyang anak na babae.
Palakad-lakad ang suspek habang hila-hila ang kaniyang anak para lumipat ng lugar.
Nang makalapit ang pulisya sa suspek, kinusap nila ang suspek hanggang sa payapa itong sumuko kaya ligtas na nakuha ang bata.
Kaagad nilang dinakip ang suspek, na kinalaunan ay natuklasan na nakagawa pala ng mas malalang krimen nang pugutan ang kaniyang kinakasama sa kanilang bahay.
"Noong nakaraang gabi at noong isang gabi pa, pinagseselosan ng lalaki 'yung babae, third party yata," sabi ni Police Lieutenant Colonel Joel Villanueva, Commander, Batasan Police Station.
Tumambad sa pulisya ang kalunos-lunos na sinapit ng ginang sa sulok ng bahay, samantalang narekober din ang patalim at itak na hinihinalang ginamit sa krimen.
Nalaman din na nasa drug watchlist ang suspek na tila wala raw sa sarili, ayon sa awtoridad.
Sa panayam sa kaniya ng GMA News, umamin ang suspek na nakadroga siya, at sinabi ang dahilan kung bakit niya pinatay ang kinakasama.
"May bumulong po kasi sa akin na ano eh, demonyo siya, patayin ko daw po," sabi ng suspek.
Nang tanungin kung nag-away ba sila ng kaniyang kinakasama, tugon ng suspek, "Opo, lalaki po laging nakatalukbong." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
