Sugatan ang parehong driver at mga pahinante ng isang dump truck at delivery van matapos na magsalpukan ang mga ito sa Maharlika Highway, Barangay Villa Arcaya sa Gumaca, Quezon alas-sais ng umaga nitong Linggo.
Ayon sa Gumaca Pulis, patungo sa Bicol ang delivery van at patungo naman sa Lucena City ang dump truck nang mangyari ang aksidente.
Nawalan raw ng preno ang dump truck kung kaya't sumalpok ito sa kasalubong na delivery van.
Wasak na wasak ang unahan ng van at dump truck.
Naging pahirapan ang ginawang pag-rescue sa mga sugatan dahil naipit ang mga ito sa nagkayupi-yuping yero at bakal.
Tumagal ng halos isang oras bago sila nakuha. Makikita sa mga larawan ang mga sugatan na nasa gilid ng highway.
LOOK: 4 katao, sugatan sa salpukan ng isang dump truck at delivery van sa Maharlika Highway sa Gumaca, Quezon ngayong umaga. (???? Mark Soria) | via @hero_peewee pic.twitter.com/dpMXo0svTx
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 1, 2018
Isinugod sila sa isang pribadong pagamutan sa bayan ng Gumaca.
Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang aksidente.
Dalawa sa apat ang nasa kritikal na kondisyon. —KG, GMA News
