Isang galamay umano ng Buratong drug syndicate ang nasakote sa buy-bust operation sa Pasig City na nagresulta sa pagkakasabat ng mga shabu na may halagang P1.36 milyon nitong Martes ng madaling araw.



Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "24 Oras" nitong Martes ng abi, kinilala ang suspek na si Haimen Rangaig, na naaresto sa isinagawang operasyon ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Barangay Pinagbuhatan.
 
Nakuha umano kay Rangaig ang 200 gramo ng hinihinalang shabu at ang P100,000 na ginamit na buy-bust money.

Ayon sa mga awtoridad, miyembro si Rangaig ng Buratong drug syndicate, na isa mga pinakamalaking drug syndicate sa bansa noon.

Pinamunuan ito ni Amin Buratong na nagparetoke pa ng mukha bago nadakip at na-convict noong 2009. Siya rin ang kinilalang nasa likod ng Pasig shabu tiangge.

Pero kahit nakakulong, sinasabing patuloy pa rin ang mga ilegal na operasyon nito sa tulong nga mga galamay niya sa labas kabilang pamangkin na si Johari Buratong, na boss umano ni Rangaig.

"Itong Haimen [Rangaig ] na nahuli natin ang niyu-utilize nitong si Buratong sa distribution ng droga 'di lamang sa Pasig, buong Metro Manila pati na rin sa neighboring provinces," sabi ni Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar, hepe ng NCRPO.

Plano raw makipag-ugnayan ng NCRPO sa pamunuan ng New Bilibid Prison para matuldukan ang umano'y patuloy na pagbenta ng droga ng high-profile inmates.

Magsasagawa din daw ng follow-up operation ang mga awtoridad para mahuli ang iba pang miyembro ng sindikato.

Inamin naman ni Rangaig na sangkot siya pagbebenta ng droga pero hindi raw niya alam kung sino ang pinanggalingan nito.

"Bata 'yung naghahatid d'yan...(Galing) dito lang sa Pasig," giit ng suspek.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News