Mahigit P1.2 milyon ang halaga umano ng shabu ang nasabat sa sinasabing isa pang galamay ng Buratong drug syndicate na naaresto ng mga pulis sa Pasig City. Pero giit ng suspek, isa lang siyang construction worker at makikita raw ito sa kaniyang hitsura.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Antonio Intalan, isa umanong big time drug dealer na nadakip nitong Martes ng gabi sa buy-bust operation sa Pineda, Pasig City.
"Even 'yung leader ngayon is nakakulong na [si Amin Buratong], nabuhay ulit 'yung grupo dahil sa kanilang mga koneksyon. Ito ngayon ang huling nahuli natin, si Antonio Intalan, 49-years-old, considered to be an active member of the group," sabi ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, Director, NCRPO.
Nakuha umano sa suspek ang 33 sachet ng hinihinalang shabu na nakasilid sa pouch ng salamin na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon.
Pero itinanggi ni Intalan ang alegasyon laban sa kaniya at iginiit na ordinaryong construction worker lang siya.
"Tingnan niyo na lang po itsura ko, kayo na po ang humusga. Inaamin ko ho 'yon pero nagbago naman po ako," sabi ng suspek tungkol sa dati niyang iligal na gawain.
Nauna nang naaresto ang isa pa umanong miyembro ng Buratong drug syndicate na kinilalang si Haimen Rangaig sa Pasig City.
Ang lider ng grupo na si Amin Buratong ang sinasabing nasa likod ng shabu tiangge o shabu talipapa sa Pasig, na nagparetoke pa ng mukha bago nadakip at na-convict noong 2009. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
