Tinanggal sa puwesto apat na pulis matapos umano nilang paghubarin, patuwarin at ipakapkap pa ang isang babaeng suspek umano para sa kanilang live demonstration sa seminar. Hindi tinanggap ng Philippine National Police ang paliwanag, lalo't kumalat pa ang video ng babae.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City Police, kung saan kinapkapan ang babae ng isang babaeng pulis.

Noong nakaraang taon pa umano kinuha ang kumakalat na video, kung saan makikita rin ang ilan pang nagtatawanang lalaking pulis.

Unang naiulat na isa umanong arestadong drug suspect ang babae. Ngunit nitong araw, iniharap siya ng Southern Police District at Makati Police at nilinaw na hindi umano siya arestadong drug suspect.

Binayaran daw ang babae ng mga tauhan ng SDEU para sa kanilang live demonstration seminar sa pagkapkap ng mga naarestong drug suspect para sa mga baguhang operatiba.

At ang pagpapahubad sa babae ay kailangan dahil may mga ibang suspect na nagtatago ng droga sa iba't ibang parte ng katawan.

"Usually lagi kami nalulusutan kung pano ba i-search. Ang intensyon lang po namin du'n is matuto po 'yung mga bago naming assign na babae du'n sa SDEU during that time. Ngayon kung meron po kaming nalabag na batas or may pagkakamali kami humihingi na po kami ng pasensya," sabi ni S/Insp. Valmark Funelas, dating hepe ng Makati SDEU, na isa sa mga tinanggal sa puwesto.

Umamin si Alyas "Andrea," ang babaeng nasa video, na binayaran siya ng P2,000 para sa naturang demonstration. Nagipit siya kaya pumayag sa alok sa kaniya.

"Babae naman po [ang kumapkap] kaya OK lang sakin. Pero alam po namin na wala pong video na mangyayari kasi 'yun po yung napag-usapan," sabi ni Andrea.

Gusto niyang magsampa ng reklamo laban sa kumuha at naglabas ng video. "Kung puwede po kasi po nasobrahan na po 'yung ano niya e, paninira niya. 'Di makatarungan 'yung ginawa niya," sabi ni Andrea.

Hinala ng SDEU, dati nilang tauhan na nakagalitan umano ng hepe at nagtanim ng sama ng loob ang naglabas ng video.

Pero hindi pa rin daw tama ang ganu'ng klase ng demonstration.

"May mga alternative procedures like pwede kang gumamit ng dummy, mannequin. Hindi naman kailangan na babae," sabi ni CSupt. Tomas Apolinario, Director ng SPD.

"Kahit na sabihin nating statement ng victim ay medyo favorable sa kanila still hindi pa rin reason for us to stop our investigation," sabi pa ni Apolinario.

Pare-parehong tinanggal sa puwesto ang hepeng si S/Insp. Funelas at ang tatlong pulis na nakita sa video.

Nag-imbestiga na rin ang Commission on Human Rights. —Jamil Santos/JST, GMA News