Aabot sa mahigit P1 million ang halaga ng shabu na nakumpiska ng mga awtoridad mula sa tatlong suspek sa Bacoor, Cavite.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Martes, naganap ang bentahan ilang metro lang ang layo sa police station ng Bacoor habang umiiral ang state of calamity sa buong lungsod.

Ayon sa hepe ng Bacoor police, alam daw ng mga suspek na busy ang kapulisan ngayong nasa ilalim ng state of calamity an Bacoor.

"Nabigla kami bakit sinabi nilang doon malapit sa police station ang bentahan. Isa 'yun do'n sa modus nila para hindi mahalata agad, sabihin natin na ma-cover sila sa pagbenta ng shabu," kwento ni Superindendent Vic Cabatingan.

Sa video, mabilis na inaresto sina Vergilio de Mesa, Ronel Exequiel at Jackylyn Yosa nang makipagtransaksyon ang mga ito sa mga pulis na nagpanggap bilang mga buyer.

Hindi na naitanggi ng mga suspek ang krimen.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang Bacoor police para makuha ang iba pang kasamahan ng grupo.

Nagmula raw umano sa New Bilibid Prison ang komunikasyon para ikasa ang buy bust operation.

"Tuloy-tuloy ang koorsinasyon namin sa Bilibid para mapigilan ang kontak ng ibang grupo na involved sa trading ng shabu," ayon kay Region 4A regional director Police Chief Superindendent Edward Carranza. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News