Nagmamani-obra ang isang trailer truck sa Brgy. Rincon, Valenzuela City noong Linggo nang dumaan ang isang motorsiklo na may sakay na tatlong lalaki.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa 24 Oras ngayong Martes, hindi nabangga ang motorsiklo pero huminto ang rider nito sa tapat ng pahinante ng truck at tila may sinabi.
Maya-maya'y bumaba ang mga sakay nito at ang mga sakay ng truck. Ang pahinante, nagdala na ng tubo.
Pumagitna ang mga security guard sa lugar para pakalmahin ang dalawang panig.
Pero matapos lamang ang ilang minuto, bumalik ang mga naka-motor kasama ang hindi bababa sa sampung lalaki at kinuyog ang driver at pahinante ng truck.
Pilit binuksan ng mga lalaki ang pinto ng truck.
Ang ilan, sumampa pa at namato.
Minabuti na ng driver ng truck na paandarin ang sasakyan at lumayo.
Nagtamo ng sugat sa ulo ang driver na si Jundel Cacanindin.
Nabasag naman ang mga salamin ng truck.
Ayon sa driver at pahinanteng si Reynaldo Sabocohan, minura daw sila ng motorista bago nagbantang babalik.
Agad daw nai-lock ni Cacanindin ang kanyang pinto, pero pumulot na raw ng bato ang isa sa mga lalaki, na tumama sa bintana ng truck, kaya tinamaan siya ng bubog.
Ang pahinante naman, ilang beses daw nasuntok.
Agad naaresto ang dalawa sa mga suspek na nagsabing hindi naman sila nakisuntok o sumali sa pamamato.
Hindi rin daw nila alam kung ano ang pinagmulan ng away.
Ayon sa mga pulis, nakainom ang mga suspek.
Pero hindi na sila sasampahan ng kaso matapos makipag-areglo sa mga biktima.
Labinlimang suspek pa ang pinaghahanap na mahaharap sa reklamong physical injuries, malicious mischief at grave threat. —JST, GMA News
