Taliwas sa paniwala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sinabi ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na negatibo sa marka ng droga ang apat na magnetic lifters na nakita sa Cavite na hinihinalang pinagtaguan ng isang toneladang shabu na aabot ang halaga sa P6.8 bilyon.

Ginawa ni Lapeña ang pahayag sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers nitong Martes.

Una rito, sinabi ng PDEA na positibong pinaglagyan ng droga ang mga magnetic lifter dahil sa naging reaksyon ng kanilang K-9 [aso] nang ipaamoy ang mga nakapuslit na kargamento na nakita sa isang bodega sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Pero sabi ni Lapeña sa komite, nagsagawa ng pagsusuri at pag-analisa ang BoC, mga tauhan mula sa Philippine National Police at PDEA, sa mga magnetic lifter at pati na sa lugar kung saan nakita ang mga ito.

Anang opisyal, negatibo sa droga ang naging resulta kaya wala umanong basehan ang hinala na may isang tonelada ng droga ang posibleng kumakalat ngayon sa merkado.

"Based on the result of the laboratory analysis both from PDEA and the PNP, the four magnetic lifters have no presence of dangerous drugs," saad niya.

Sa kabila nito, nanindigan si Atty. Ruel Lasala ng PDEA, na pinaglagyan ng droga ang mga magnetic lifter dahil naamoy ito ng kanilang mga aso.

Bukod dito, sinabi ni Lasala na ang address ng consignee para sa shipment na nakita sa Cavite ay pareho sa consignee kung saan nakita ang nasa 500 kilo ng shabu na nakasilid din sa magnetic lifter na nagkakahalaga ng P4.3 bilyon na naiwan sa Manila International Container Port (MICP).

Nakita ang mga droga sa MICP ilang araw bago makita ang mga magnetic lifter na walang laman sa Cavite.

"All indicators point to the situation na droga 'yung laman ng metallic lifters," sabi ni Lasala.

Idinagdag naman ni Director Adrian Albarino ng PDEA ang kargamento na nakita sa MICP at nakita sa Cavite ay magkaugnay dahil sa kanilang bill of lading, ang dokumento na nagsasaad ng uri, bilang at destinasyon ng produkto.

"It was indicated doon sa Vecaba Trading [International] yung warehouse, yung address ng consignee nila as the same, doon sa GMA, Cavite," aniya.

Ayon kay Lapeña, dapat na tamang impormasyon ang kanilang ibibigay sa publiko kaugnay sa insidente.

"As government authorities, we have to be prudent in providing unverified information to the general public to allay further fear or confusion," paalala niya.

Bukod sa Kamara, nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon sa naturang usapin ang Presidential Anti-Corruption Commission at National Bureau of Investigation.— FRJ, GMA News