Sugatan ang isang taong-grasa na nakitang naglalakad sa riles sa pagitan ng MRT Ayala at Magallanes station matapos siyang paputukan ng guwardiya dahil sa ginagawang pambabato maging sa mga sasakyan.

Sa ulat ni Allan Gatus sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing dakong 8:43 a.m. nang makita ang taong-grasa sa northbound ng MRT.

Agad na rumesponde ang guwardiya at isang pulis sa insidente ngunit "nanlaban" umano ang taong-grasa nang subukan itong alisin sa lugar.

Ayon sa pulisya, hubo't hubad ang taong-grasa at nang lapitan nila ay nagsimula nang pumulot ng mga bato at inihagis sa guwardiya at mga sasakyan na dumadaan sa EDSA.

Sinabi pa ni Makati Chief of Police Supt. Rogelio Simon, na nagpaputok ang guwardiyang si Federico Bustamante at tinamaan niya sa bukong-bukong ang taong-grasa na dinala sa ospital.

Nasa kustodiya naman ng Makati Police ang nasabing guwardiya.

Paliwanag ng pamunuan ng MRT-3, halos kapantay lang ng kalsada ang riles ng MRT sa naturang bahagi ng mga estasyon kaya nakapasok ang taong-grasa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News