Dapat umanong kumonsulta at magpatingin si Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pain specialist upang matulungan sa kaniyang idinaraing na karamdaman.

Ito ang payo ni Dr. Luzviminda Kwong makaraang aminin ng Pangulo ang nararanasang "perpetual pain" o walang tigil na pananakit sa kaniyang gulugod mula nang maaksidente sa motorsiklo.

“Ang advice ko nga sana dapat our President should be consulting a pain specialist to help him, para mas maka-function siya kasi parang ang hirap mag-function kapag may masakit...,” pahayag ni Dr. Kwong sa panayam ng Radyo Veritas nitong Huwebes.

Si Dr. Kwong ay isang pain management specialist, anesthesiologist, at dating Presidente ng Pain Management Society of the Philippines.

Matatandaang inamin ni Duterte ang kaniyang pag-inom ng fentanyl na isang matinding pain killer.  Subalit, ipinatigil umano ito ng kaniyang doktor nang malamang dinoble niya ang prescribed medication.

Ipinaliwanag ni Dr. Kwong na ang fentanyl ay halos kasing lakas ang epekto sa morphine na ginagamit sa mga pasyenteng dumaranas ng severe pain tulad sa cancer patients, mga katatapos lang na maoperahan, mga mayroong acute trauma, at chronic severe back pain.

“Same thing as morphine it has strong opioids. But fentanyl comes in a patch and IV (Intravenous), so it is used for severe pain...," paglilinaw ni Dr. Kwong.

Matatandaang sinabi ng Pangulo sa mga nakaraang talumpati niya na ang kanyang pag-inom ng fentanyl ay upang maibsan ang pananakit sa kanyang spine sanhi ng maaksidente sa motorsiklo limang taon na ang nakararaan. Ang Pangulo ay 73-anyos na sa ngayon.  —LBG, GMA News