Nagbigay ng babala sa publiko si Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde tungkol sa umano'y modus na sasabihan kang kabilang sa drug watchlist upang makapangikil ng pera.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa "24 Oras" nitong Lunes, nakatanggap daw ng mga reklamo ang pambansang pulisya mula sa ilang indibidwal na may mga tumatawag sa kanila na nagpapakilalang taga-PNP at saka sasabihin na kabilang sila sa drug watchlist.
"'Yan usually 'yung mga modus po niyan, manghihingi siya ng pera... magpapadeposit sa isang money carrier," sabi ni Albayalde.
Ayon kay Albayalde, minsan daw ay gumagamit pa ang mga suspek ng mga pangalan ng ilang opisyal sa PNP.
"Magmula noong nagkaroon tayo ng Oplan Double Barrel, 'yung Oplan Tokhang ginagamit na 'yung panakot 'yung Philippine National Police. Sinasabi nila na ikaw ay may existing warrant of arrest, ikaw ay nasa listahan kung ayaw mong matokhang, kung ayaw mong mabu-bust. Magbigay ka na lang ng pera," sabi ni Albayalde.
Dagdag ni Albayalde, hindi lang cellphone kung hindi pati landline ay ginagamit din daw ng masasamang loob upang makapanloko. Gumagamit din daw ang mga ito ng automated voice recording.
Sabi ng PNP, dumadaan sa tamang proseso ang mga pulis sa pagbibigay-alam sa mga taong may warrant of arrest.
Giit nila, hindi nila ito basta-basta tinatawagan at hindi rin sila nagpapabayad para lamang mabura ang pangalan sa drug watchlist.
Ang ginagawa ng PNP ay isasailalim nila ang "subject" sa surveillance at intelligence build-up pero hindi nila ito ipinapaalam sa mismong "subject."
Payo ng pulisya sa publiko, agad ipagbigay-alam kung makatanggap ng mga ganitong tawag o mensahe. —NB/FRJ, GMA News
