Ngayong tag-init at kailangan ang tubig, tila nabiyayaan ang isang komunidad sa Iligan City, Lanao del Nort. Dahil ang suplay ng kanilang tubig doon, walang patayan ang mga gripo kahit matapon ang tubig.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” sinabing tinaguriang “City of Majestic Waterfalls” ang Iligan City dahil mahigit 20 waterfalls ang makikita sa lugar.

Isa na rito ang rumaragasang tubig ng Mimbalot Falls.

Ito ang nagsisilbing sentro ng pang-araw-araw na buhay ng mga residente dahil mula sa mga kabundukan, direkta itong nakakonekta sa mga kabahayan gamit ang tubo at hose.

Kaya pati ibang mga kapit-barangay, dumarayo sa Iligan City para makaigib ng tubig.

Ang mga napapadaang turista naman, humihinto para magsalok ng tubig panglinis ng sasakyan.

Si Moroni Chaves, residente ng Timoga at may-ari ng car wash sa Barangay Buru-un, nakaraos dahil sa unli supply ng tubig sa lugar.

“Para sa akin talagang sobrang special ito kasi nakakatulong na sa amin at higit sa lahat ‘di lang ako ang natutulungan, pati 'yung mga kapitbahay namin at 'yung ibang mga tao na pumupunta dito,” sabi ni Moroni.

Nag-umpisa ang kanilang negosyo matapos mapansing walang mapag-igiban ang mga napapadaang truck sa kanila mula Zamboanga.

“Lahat ng mga driver kasi o 'yung mga truck, wala talagang pag-igiban, medyo malayo talaga. Pagbukod namin ng ganitong business, talagang maraming nasiyahan na mga driver para lang makakaigib sila ng tubig. Kasi dito, 'yung mga truck kasi dito sa amin, puro mga may-tangke ng tubig,” sabi ni Moroni.

Hindi naman nalimutan nina Moroni na magpasalamat sa biyaya ng kalikasan kaya tinitiyak nilang maningil lang nang sapat.

Kakaiba rin ang patakaran sa Iligan City, dahil puwedeng ang driver o motorista mismo ang maglinis ng kaniyang sasakyan.

Dahil sa unli tubig, naitaguyod ni Moroni ang kaniyang pamilya at nakapagpatayo rin siya ng bahay kanilang bahay.

Isa pa sa mga bentahe ng Iligan City ang kanilang mga all-natural swimming pool na straight from the falls ang tubig.

Sa mga kalsada, sangkatutak ang mga salbabida na puwedeng pagpilian.

Abot-kaya rin ang entrance fee nila na P100.

Kahit na unli ang kanilang tubig, sinisigurado naman ng mga residente nito na walang nasasayang dahil ang free flowing water na hindi nagagamit, dumidiretso sa kanal pabalik din sa mga bukal.

Kaya hindi ito dapat ikabahala dahil malinis ang dinadaluyan ng tubig.

Pinananatili rin ng mga residente na malinis ang kanilang mga tangke at host.

Pagkatapos ng isang buwan, nagbibrigada kami para sa mga lagayan ng tubig o tangke namin na ginagawa. Ginagawan namin ng paraan kung ano 'yung problema sa tangke. Nagre-repair kami,” sabi ni Moroni.

“Ginagawan namin ng paraan para makatulong kami. 'Yung tubig din namin, malinis talaga at may quality. Yun 'yung pinapahalagahan namin. Para sa customer din naman at kapakanan din namin,” sabi pa niya. – FRJ GMA News