Ibinahagi ni Ice Seguerra ang dahilan kung bakit siya nagbitiw bilang chairperson ng National Youth Commission (NYC) noong 2018.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, binalikan ng singer-songwriter ang kaniyang panahon sa serbisyo publiko.
"I was very idealistic in terms of public service. That's only the reason why I wanted to be part of NYC. I really wanted to serve," sabi ni Ice, na itinalagang chair ng NYC noong 2016 ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"Regardless of political color ha. Kasi 'di ba 'yun 'yung trabaho ko eh. 'Di ba, 'pag pumasok ka sa gobyerno, dapat pagserbisyohan mo ang lahat, especially ako, young people lang ang constituency ko noon," sabi pa niya.
Matapos nito, isiniwalat ni Ice kung bakit niya iniwan ang posisyon.
"Number one, my mental health was greatly affected. Kasi I really thought I'd be able to serve but mahirap magserbisyo 'pag napapaligiran ka ng politics," aniya.
"And I think ngayon unfortunately and matagal na, instead of public service, mas politics ang nangyayari sa paligid natin. Hindi ka makagawa ng isang bagay kasi may pulitikong hahadlang sa ‘yo na taliwas or whatever belief niya. Sana nga belief eh," ani Ice.
Tinanong ni Tito Boy sina Ice at kaniyang kapwa panauhin at mang-aawit na si Sitti, tungkol sa papel ng musika sa gitna ng patuloy na mga isyu sa bansa.
Sinabi ng dalawang mang-aawit na hindi lamang tungkol sa libangan ang musika.
"I think music, ito din 'yung paraan na masasabi natin 'yung nararamdaman natin," sabi ni Ice. "Kasi diba ang music, tama sa puso diretso 'yan eh, and I think 'yun 'yun. Sa panahon ngayon, lalabas din 'yung mga nararamdaman natin through these songs."
Matatandaang nagsulat si Ice ng isang kanta na pinamagatang "Lupang Pinangako" na tungkol sa mga isyu ng lipunan, higit 10 taon ang nakararaan.
"Parang walang pinagbago. Kung ano 'yung nag-inspire sa akin, the frustrations I felt kaya ko nasulat 'yun—ganun pa rin?," saad niya.
Samantala, ikinuwento ni Sitti na dumalo siya sa isang songwriting camp sa Dumaguete pagkatapos ng Bagyong Yolanda noong 2013 at ibinahagi kung paano niya inilalahad ang kaniyang mga nararamdaman tungkol sa mga problema ng bansa sa pamamagitan ng kaniyang musika.
"Bakit hindi tayo mas prepared? Bakit hindi tayo natututo?" anang bossanova singer. "Ilang bagyo tayo on the average, 30 plus, 40? And hindi prepared ang gobyerno. And lagi nalang nagre-rest on resilience, sa mga private organizations."
"When I feel something so deeply, and I feel like wala akong magagawa about it, that's when I retreat into music. Hindi tama sabihin sa panahon ngayon na mag-e-escape tayo to music. This is not the time to just let things happen na wala kang gagawin," sabi pa ni Sitti. -- Nika Roque/Jamil Santos/FRJ GMA News

