Nanindigan si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino sa pagdinig ng Kamara de Representantes nitong Huwebes na may droga sa apat na magnetic lifter na natagpuan sa Cavite. Taliwas ito sa pahayag ng pinuno ng Bureau of Customs (BOC).
Sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Agusan del Norte Rep. Robert Ace Barbers," kung saan hindi nakadalo si Aquino dahil nasa bakasyon, sinabi ni BOC Commissioner Isidro Lapeña na negatibo sa marka ng droga ang apat na magnetic lifters na nakita sa General Mariano Alvarez, Cavite.
READ: BOC chief Lapeña, sinabing negatibo sa marka ng droga ang mga magnetic lifters sa Cavite
Hinihinalang pinagtaguan ng isang toneladang shabu ang mga magnetic lifter na aabot ang halaga sa P6.8 bilyon. (READ: Lifters seized in Cavite contained a ton of shabu worth P7-B —PDEA)
Ginamit na basehan ni Lapeña ang resulta ng isinagawa umanong "swab test" sa mga magnetic lifter kung saan walang nakitang marka ng droga.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabing espekulasyon lang na mayroong droga na inilagay sa mga magnetic lifter.
READ: Duterte: No proof P6.8-B shabu was in lifters
Pero giit ni Aquino sa komite nitong Huwebes, maging ang naunang dalawang magnetic lifter na nakita sa Manila International Container Port (MICP) ay nagnegatibo rin sa droga nang suriin sa pamamagitan ng "swab test."
"So it doesn't mean that if you swabbed something and it's negative, there's no drugs there," paliwanag ni Aquino.
Gayunman, nasa 500 kilo ng shabu ang nakuha sa loob ng dalawang magnetic lifter, na pinaniniwalaan ni Aquino na konektado sa apat na magnetic lifter na nakalusot at nakarating sa Cavite.
"Kahit wala doon yung corpus delicti, it contained drugs because what we intercepted in MICP is identical and similar (to that of in Cavite). Anong pinagkaiba? Yung shabu lang ang wala," sabi pa ni Aquino.
Iginiit din ng opisyal na dalawang beses tumugon [na positibo sa droga] ang kanilang K9 units nang ipaamoy nila ang apat na magnetic lifters kahit walang nakitang droga.
"We all know that K9 [units] can detect scents 10,000 times better than a human being," aniya. "Definitely, we believe in our K9."
Hindi rin naiwasan ni Aquino na magdamdam na tila hindi umano siyang pinagkakatiwalaan sa naturang usapin ng nakalusot na droga.
"Precisely, it's unfair. Because I'm just telling the truth, and precisely, the truth and goodness will prevail," aniya.— FRJ, GMA News
