Kahabag-habag ang sinapit ng isang matandang lalaki na kinaladkad palabas ng pampasaherong jeep at pilit na inaagawan ng gamit ng ilang batang kalye sa Maynila.

Sa video na kuha ni YouScooper Nathaniel Jamolin, sinabi nito na nangyari ang insidente sa Taft Avenue, Pedro Gil nitong Biyernes ng hapon, September 14, 2018.

Makikita sa video na dinumog ng mga kabataan ang isang jeep na nakatigil. Maya-maya lang, lumabas na ang mga kabataan na nasa loob at hinahatak ang matanda na todo-protekta sa hawak niyang gamit.

Nagtulong-tulong pa ang mga batang kalye na maitumba ang matanda pero hindi niya binitawan ang kaniyang gamit at pilit siyang nanlaban.

Hindi na nalaman kung ano ang nangyari sa matanda at mga kabataang pasaway.

Nanawagan si Nathaniel na matugunan ng mga kinauukulan ang naturang pananakit ng mga batang kalye na kunwaring nanlilimos pero nananakit na sa mga pasahero.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakunan ng video ang pag-atake ng mga batang kalye sa mga pasahero ng jeepney.

Kamakailan lang, ilang batang pasahero ng jeep sa Macapagal Avenue sa Pasay City ang inatake rin ng batang kalye.  (WATCH: Ilan pang video ng pananakit ng mga batang lansangan sa pasahero ng jeep, lumutang)

Gayunman, hindi pa malinaw kung parehonh grupo ng mga kabataan ang umatake sa matandang lalaki sa Pedro Gil. -- FRJ, GMA News