Inihayag ng Malacañang nitong Huwebes na igagalang nila ang magiging pasya ng Office of the Ombudsman kung sakaling sibakin sa posisyon si Communications Assistant Secretary Mocha Uson kaugnay sa reklamong isinampa sa huli dahil sa kontrobersiyal na sign language video.

Sa kabila ng paghingi ng paumanhin nina Uson at kaibigan nitong blogger na si Andrew Oliver kaugnay sa kanilang video na nagkukunwaring nagsa-sign language, itinuloy ng mga deaf advocate sa pangunguna ni Philippine Deaf Resource Center executive director Dr. Liza Martinez, ang paghahain ng reklamo laban kina Uson at Olivar sa Ombudsman.

ADVERTISEMENT

Ang reklamo laban kay Uson ay bunsod umano ng paglabag nito sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, Civil Code of the Philippines, Cybercrime Prevention Act, at Magna Carta for Persons with Disability and the United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities.

"Let's wait for the decision of the Ombudsman dahil meron na rin namang ganyang complaint. The Ombudsman can already order the dismissal of anyone in government because it is both an administrative and a criminal case," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa news conference nitong Huwebes.

Idinagdag ni Roque na igagalang ng Palasyo ang anumang magiging pasya ng Ombudsman sa kaso ni Uson.

"Igagalang po ng Palasyo ang proseso. Kapag sinabi ng Ombudsman sibakin, hindi po natin tututulan," dagdag niya.

Ito na ang ikatlong reklamo na kinakaharap ni Uson sa Ombudsman. Ang unang dalawang reklamo ay magkahiwalay na inihain ng Akbayan Youth at ni Senador Antonio Trillanes IV dahil sa pagpapakalat umano ng maling impormasyon online. — FRJ, GMA News