Patay sa pananaksak ng galit na customer ang isang waitress at sugatan naman ang kahera ng isang KTV bar sa Tondo, Manila noong Martes na gabi.

Sa ulat ng "Unang Balita," kinilala ang napatay na si Anecita Sialongo, 41 at ang kaherang kinilala lamang sa pangalang Tamayo, 67-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente sa KTV bar sa kahabaan ng Juan Luna Street dakong alas-nueve ng gabi.

Kuwento ng isa pang waitress na nakasaksi sa krimen, nagalit umano ang suspek na si Robert Nocos nang hindi sumama sa kaniya ang biktimang si Sialongo.

Lumabas daw ito ng bar at pagbalik may dala na itong kutsilyo at saka pinagsasaksak ang biktima.

Umawat naman daw ang senior citizen na kahera kaya't sinaksak din siya ng suspek.

Makikita sa kuha ng CCTV ng barangay ang pagdating ni Nocos bago ang pananaksak, at ang pag-alis nito matapos ang krimen.

Nahuli ang suspek sa kaniyang bahay sa P. Herrera St., Tondo. Itinanggi niya ang krimen at sinabing natutulog lamang daw siya sa kanyang bahay nang hulihin siya ng mga pulis.

Kapansin pansin namang kalbo na ang suspek nang mahuli ng mga pulis at mistulang minadali ang gupit ng kaniyang buhok.

Kritikal pa ngayon sa ospital ang biktimang si Tamayo na nagtamo umano ng dalawang saksak sa tagiliran.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Division, apat hanggang limang saksak ang tinamo ni Sialongo.

Mahaharap ang suspek sa kasong murder at frustrated murder, ayon sa mga pulis. —LBG, GMA News