Kuhang-kuha sa dash cam ng isang motorista ang panghahataw sa side mirror ng taxi sa Pasay City ang isang miyembro umano ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).

Sa ulat ni Athena Imperial sa "Balitanghali" nitong Linggo, makikita sa dash cam na binabagtas ng taxi owner at driver na si Joseph Barreno ang Andrew Avenue.

Maya-maya pa, itinabi niya sa gilid ng kalsada, malapit sa isang gate, ang taxi matapos niyang marinig ang wangwang.

Kwento ni Barreno, tumabi siya para paunahin sana ang convoy na nasa likod pero laking-gulat niya nang bigla na lang hampasin ng isang naka-motorsiklong escort ang side mirror ng kanyang taxi.

"Hindi ko naman alam na papasok sila doon sa gate," paliwanag ng tsuper.

Bumaba siya sa taxi at lumapit sa gate para makipag-usap pero sabi raw ng gwardiya ay hintayin na lang niyang lumabas ang mga escort. Hindi na rin daw nakausap ni Barreno ang mga ito.

Ayon naman kay Chief Superintendent Roberto Fajardo, hepe ng HPG, posibleng hindi nila tauhan ang rider na nanghampas ng naturang side mirror.

"Unang-una lahat ng motor ng HPG, may HPG seal saka may HPG markings tapos 'yung uniform ng HPG is red pipings 'yung pantalon kung PNPO ka, pag officer ka is yellow. Saka 'yung nauunang motor, hindi official motorcycle ng pulis eh," paliwanag ni Fajardo.

Sa kabila nito, iniimbitahan ng HPG si Barreno para maghain ng reklamo sa kanilang tanggapan kaugnay ng insidente. —Ni Dona Magsino/LBG, GMA News