Ang inaakala niya'y isang matinong transaksiyon, mauuwi lang pala sa panloloko matapos na hindi bayaran si Susan dela Cruz, owner ng Bethany Dream Cakes, ng kliyenteng nag-order ng cake online. Panoorin kung paano siya nabiktima ng modus.

Sa programang "Investigative Documentaries," sinabing 13 taon na sa negosyo niyang baking si Susan, hanggang sa mangyari ang insidente noong Agosto.

May nagpakilala sa kaniyang nagngangalang Jean Mayer na nag-order ng three-layered birthday cake.

"Nag-send siya ng preferred design niya. Nag-send lang kami ng quotation and then nag-agree siya sa rates na iyon. Nag-email siya sa amin na okay na, i-book na. Nag-send ako ng contract details. Noong na-fill up na, na-reserve na namin siya," sabi ni Ritchel Rivera, empleyado ng Bethany Dream Cakes.

Nagkakahalaga ang birthday cake ng P22,000, na binayaran naman daw ng customer gamit ang online banking. May screen grab pa ang customer ng transaction slip bilang patunay.

Inamin naman ni Ritchel na hindi niya na-verify ang account ng kliyente.

"Noong nag-send na siya ng slip, okay na sa akin iyon. Hindi ko pa siya na-verify sa account namin. Bale na-print ko lang siya and then in-attach sa contract namin. Okay na iyong order niya."

Ika-18 ng Agosto nang mapagkasunduang kunin ang cake. Umupa ng van si Jean Mayer para sa kaniyang order, na dumating ng tanghali sa tindahan ni Susan.

Makalipas ang 30 minuto, may isa na namang van na nagsasabing kukunin nila ang cake ni Jean Mayer.

"Noong tinawagan namin si Ms. Jean na may isang van rental nga na dumating, sabi ni Ms. Jean, 'Huwag niyong i-entertain iyan,'" sabi ni Ritchel.

Saka na lamang napansin ni Susan na walang pumasok na P22,000 sa kaniyang savings account.

"'Yong pagkakamali ko is hindi namin kasi usually nache-check agad since marami akong ginagawa. And minsan nagde-depende ako sa sent na deposit slip. So after ilang weeks, after mga two weeks ko yata natanong, sabi ko bakit wala sa passbook namin iyong payment?"

Sumasagot pa Jean Mayer sa mga tawag ni Susan noong una para sa pagsingil sa pera, hanggang sa nawala na lamang ito.

Hindi na umaasa si Susan na mababawi pa niya ang perang nawala sa kanila, ngunit natuto siyang maging mas maingat. —Jamil Santos/LBG, GMA News