Hindi na makilala ang mag-asawang senior citizen nang matagpuang patay sa loob ng nasunog nilang bahay sa Sitio Tibag, Barangay Panapaan-Tres, Bacoor, Cavite. Ang mga biktima, hinihinalang sinadyang paslangin.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, napag-alamang hindi lang simpleng sunog ang kumitil sa buhay ng mag-asawang sina Zosimo at Mercedita Nario.
May limang tama ng bala sa ulo't katawan ang 71-anyos na si Zosimo.
Hinihinala namang pinagmalupitan din ang 65-anyos niyang misis na si Mercedita.
Naniniwala ang pamilya ng mga biktima na may kinalaman sa hanapbuhay ng mag-asawa ang motibo sa krimen.
Barangay kagawad si Zosimo habang katuwang naman niya si Mercedita sa pangangasiwa ng pinauupahang lupain ng isang negosyante.
"Sila po ay mga tagasingil. Noong mga nagbabayad at yung mga hindi po nagbabayad sila po ang nagsusulong ng mga demanda at ejectment, so probably may galit sa kanila," sabi ni Siozy Mark Nario, anak ng mga biktima.
Sinadya rin daw sunugin ang ilang dokumento na may kinalaman sa mga kasong isinampa ng mag-asawa sa ilang nangungupahang sinisingil nila noon.
May sinusundan na umanong lead ang mga pulis kaugnay ng krimen.
"'Yung nanay ko, nagku-kwento siya ng isang tao, ang sabi niya, kung may mangyayari, ito lamang ang inyong hahabulin, ito lang daw ang may kakayahan at naghahatid sa kanila ng takot," dagdag pa ni Siozy Mark. —Dona Magsino/NB/FRJ, GMA News
