Hindi pa rin naalis ang balang nakabaon sa pisngi ng 27-anyos na si Roger Herrero na binaril ng pulis sa Agdangan, Quezon.

Ayon sa ulat ni Raffy Tima sa “24 Oras,” kailangan ni Herrero, isang pedicab driver, ng mahigit P500,000 para sa operasyon upang mapalitan ng titanium plate ang nabasag niyang panga.

Inakusahan ni Herrero ang mga pulis ng pagdakip sa kanya upang pilitin siyang umamin na isa siyang magnanakaw.

Nang siya ang tumanggi, binaril umano siya ng isang pulis sa mukha. Nagpanggap siyang patay hanggang sa makaalis ang mga pulis, at saka humingi ng tulong.

Kinilala ni Herrero ang mga pulis na sina: PO2 Jaymhar Espedido na siya umanong bumaril sa kanya, SPO3 Noel Malabayabas at dalawang iba pa.

Itinanggi ito ng Agdanagan, Quezon Police at sinabing isang lehitimong operasyon ang kanilang pagtugis kay Herrero na umano'y kilalang magnanakaw.

Pinabulaanan naman ng mga ka-barangay at kapitbahay ni Herrero ang bintang ng mga pulis.

"Wala po[ng record na ganyan si Herrero]. At 'yan ay mapapatunayan ko dahil ako ay nagpunta na sa secretary ng barangay,” ani Belen Gabiola, isa sa mga barangay kagawad.

"Kilala ko po 'yan. Mabait pong tao 'yan. Nagpapadyak lang po ang hanapbuhay niyan,” dagdag naman ng kanyang kabarangay.

Humingi rin ang GMA News ng kopya ng mga police blotter ng sinasabing mga reklamo laban kay Herrero ngunit walang maipakita ang Agdangan Police. —Llanesca Panti/ LDF, GMA News