Naaresto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon sa Caloocan City, at San Jose Del Monte, Bulacan ang 11 miyembro umano ng "Gapos Gang" na sinasabing sangkot sa panloloob ng mga bahay at carnapping.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabi ng mga awtoridad na may kaniya-kaniyang trabaho ang bawat miyembro ng grupo na kumikilos sa Metro Manila, Bulacan, Tarlac, at Batangas.

"Iyong mga babae particularly, sila ang tagabenta, tagasangla ng mga gamit o jewelry na may value. Sinasangla nila," ayon kay P/Ssupt. Chito Bersaluna, Director ng Bulacan Provincial Police.

Aminado sa krimen ang mga suspek at sinabing gipit lang sila kaya nagawa ang krimen.

Bukod sa flat screen TV, alahas, at mamahaling camera, nagnakaw rin umano ng mga sasakyan at motorsiklo ang mga suspek na ibinibenta sa mababang presyo.

Nahuli-cam pa ang isang insidente sa pagtangay nila ng mga ninakaw na sasakyan at motor mula sa isang subdivision sa Sta. Maria, Bulacan.

Ang kuha ng CCTV, naging susi para matunton ang iba pang mga sasakyang ninakaw ng grupo.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV "QRT," sinabing unang nadakip ang tatlo sa Barangay Maharlika sa San Jose Del Monte, matapos na isumbong sa mga awtoridad ang kahina-hinalang pag-iikot ng kanilang sasakyan.

Nang mamataan sila, hindi sila huminto at nakipaghabulan hanggang mahuli rin sa tulong ng PNP Highway Patrol Group.

Nakuha sa mga suspek ang ilang baril at pamapasabog.

Sa follow-up operation, dalawang babae naman ang nadakip sa pinaniniwalaang secret hideout ng grupo sa Malaria, Caloocan.

Nasundan pa ito ng pag-aresto ng iba pang suspek sa Barangay Kaypian sa San Jose del Monte rin.

Paalala naman ng mga awtoridad sa publiko, magdoble ingat lalo na ngayong magpapasko.

"Kung iiwanan natin ang ating mga bahay sa subdivision, siguraduhin po natin na naka-padlock nang maayos, mayroon po tayong mga CCTV cameras," ayon kay Bersaluna.--Dona Magsino/FRJ, GMA News