Ibinahagi nina Bianca Umali, Kelvin Miranda, Angel Guardian, at Faith Da Silva kung paano nila hinarap ang mga kritisismo mula sa matagal nang fans ng “Encantadia” o “Enkantadiks,” at kung paano sila lumago rito bilang mga bagong Sang’gre.

Sa kanilang guesting sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Biyernes, binalikan ng “Encantadia Chronicles: Sang’gre” stars, ang mga hamon para maibiga ang mga inaasahan ng mga loyal at mga sobrang engaged na fanbase, na inilarawan ni Tito bilang may “sense of ownership.”

Ipinunto ni Faith ang pagpapakumbaba para maharap ang kritisismo, at inaming lagi siyang nagninilay sa kaniyang performance.

“I think with a lot of humility, kasi siyempre I mean proud ako sa mga nagagawa pero there are moments na parang I could’ve done so much better. Marami akong ganon eh, dapat ganito yung ginawa ko, dapat ganiyan,” sabi niya.

“Kasi it goes to shows na tao lang tayo, we’re still learning, we’re still evolving,” dagdag ni Faith.

Para naman kay Angel, dumadagdag ang malalim na koneksyon ng Enkantadiks sa kuwento sa kaniyang responsibilidad, na sinabing kung alam ng fans ang naratibo, hamon nilang manatili sa kanilang mga karakter.

“Malaking part po talaga Tito Boy ‘yung mga Enkantadiks na sumusubaybay since 2005. Kabisado nila ‘yung story eh,” sabi ni Angel.

“Siyempre for us, work din ‘yun for us na alamin kung tama ba tong ginagawa ng character natin.”

Samantala, sinabi ni Bianca na hindi na maiiwasan ang mga kritisismo sa bawat proyekto.

“We cannot please everybody. There will always be bashing alongside all the things that you will do.”

Sa halip na magpadaig sa mga hindi magagandang komento, sinabi niyang sandigan ng cast ang isa’t isa.

“Kaming apat, everytime na may pagdadaanan, may hirap na pinagdadaanan ang characters namin. Ako personally alam ko kahit na mahirap minsan, kapag nakikita ko silang lumalaban, alam kong kailangan kong lumaban,” ani Bianca.Sinabi naman ni Kelvin na oportunidad para sa paglago ang mga kritisismo.“Doon sa mga nagkokomento, mayroon kasing mga komento na literal na bash or trash doon sa kritiko. Sa akin kasi malaking bagay na mayroon kang nababasa na ganito kasi magkakaroon ka ng pagkakataon na mag-explore sa ibang perspective,” ani Kelvin.

Napanonood ang “Encantadia Chronicles: Sang’gre” sa GMA Network Lunes hanggang Biyernes ng 8 p.m. pagkatapos ng "24 Oras." -- Jade Veronique Yap/Jamil Santos/FRJ GMA News