Umaasa pa rin ang pamilya ng isang nawawalang graduating nursing student na hindi siya ang natagpuang sunog na bangkay sa isang subdibisyon sa Pavia, Iloilo kahit pa nakita ang ilang gamit niya malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Sa ulat ni Julius Belaca-ol sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, kinilala ang nawawalang estudyante na si Frank Rois Barbasa.

“It’s mga 80 percent na kwan… they believe na siya ‘yon [victim]. Kasi kung si Frank, kung hindi siya ‘yon, naka-contact na [sana] siya,” sabi ni Ray Rico, kaibigan ng pamilya.

Napag-alaman na umalis si Frank sa bahay ng tiyuhin niya sa La Paz noong April 28, 2026 pero hindi nabatid kung saan siya nagpunta.

Dakong 4:00 a.m. sa sumunod na araw, nadiskubre na ng mga residente sa subdibisyon sa Barangay Ungka 1 ang nasusunog na bangkay sa gilid ng kongkretong pader na may mga tuyong dahon.

Nakita malapit sa pinangyarihan ng krimen ang ilang gamit ni Frank gaya ng ID at cellphone.

Aalamin ng mga pulis kung sino ang kaklase ni Frank na nakausap nito sa Pavia bago siya nawala.

“Ang tanong natin ngayon ay kung sino yung kaibigan niya sa Pavia kasi that could lead us to something else,” ani Rico.

Nitong Huwebes, inihayag ni Pavia Police chief Capt. Ritz Field Presquito, na nakatira sa naturang subdibisyon ang ex-girlfriend ni Frank. Tumanggi umano itong magbigay ng pahayag.

Naghiwalay umano ang dalawa nitong nakaraang Pebrero matapos ang tatlong taong relasyon.

Ayon kay Rico, “Nag-break up sila noong February, noong nandun sila sa Boracay.”

Hinihintay naman ang resulta ng DNA test mula sa specimens na nakuha sa sunog na bangkay, na ikukumpara sa sample na kinuha mula sa ina ni Frank upang malaman kung ang nawawalang estudyante ang biktima.—FRJ GMA News