Itinaas pa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P50,000 ang Christmas bonus na ibibigay sa mga empleyadong nagtatabaho sa Palasyo.
Sa ulat ng GMA "News To Go" nitong Martes, sinabing unang inanunsyo ni Duterte na P40,000 ang Christmas bonus na ibibigay niya sa mga empleyado ng Palasyo ngayong taon.
Pero itinaas ito ni Duterte sa P50,000 para tapatan ang P50,000 na pa-bonus ng anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte na ibibigay sa mga empleyado ng lungsod.
Bukod pa ang naturang bonus sa ibinibigay na P5,000 cash gift sa lahat ng mga kawani ng gobyerno.
"Hindi tayo magpalugi sa davao. Sabi ko kay Lina Apostol, wala akong pakialam, magnakaw ka, manghiram, dispalkuhin mo 'yang pera. Basta gawain mong 50. So it's gonna be 50," sabi ni Duterte sa tuwang-tuwa na mga kawani.-- FRJ, GMA News
