Nagmistulang mga daga na nagtalunan sa maduming creek ang ilang drug suspect nang salakayin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang umano'y isang one stop shop ng droga sa Makati City.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing 11 ang nadakip, kabilang ang pangunahing target ng PDEA si Manolito Julia.
Sa video na kuha sa operasyon, ilang drug suspect ang tumalon sa creek at nagtago sa ilalim ng kongkretong tulay.
Tumangging lumabas ang suspek kahit pa pinaputukan na ng mga awtoridad bilang babala.
Pero matapos ang ilang minuto, hindi na ito nakita.
Ayon sa PDEA, nakunan ng surveillance video na ginagawang bilihan at gamitin ng droga ang lugar ni Julia, na pilit na itinatanggi ang paratang laban sa kaniya.
"Sinasabi namin one-stop-shop kasi puwede ka na bumili doon, at the same time pwede ka na rin gumamit doon," saad ni IA3 Sharon Ominga ng PDEA-NCR.
Batay sa nakalap ng impormasyon ng PDEA, mayroon pa umanong tatlong pulis na nakitang kasamang bumabatak sa lugar. Katunayan, may nakita pang cap ng pulis nang maghalughog ang mga operatiba sa bahay.
Nakita rin ang ilang sachet ng hinihinalang shabu.
"The presence of the cap is the subject of our inquiry now within this area," ayon kay S/Supt. Rogelio Simon, Makati City.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang mga naaresto.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
