Dinarayo ang isang bilyaran sa Bacoor, Cavite dahil sa bentahan ng droga roon.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras”, pitong suspek ang naaresto ng mga pulis sa drug buy bust operation sa nasabing bilyaran. Nakumpiska rin ang walong sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P20,000.
Ayon naman kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor Police, nahuli ang mga suspek sa kanilang ilegal na mga gawain dahil may koneksyon ang mga suspek sa mga pulis.
“Maraming parokyano pumupunta roon dahil ginagamit siya umano ay protektado ng intel operatives natin. Nang caught in the act [na] at 'yung pulis natin ang kaharap na niya, 'di niya kilala 'yung pulis na yun, di niya alam na yung pulis ay yung kausap na niya,” ani Cabatingan.
Itinanggi naman ng mga suspek na may kinalaman sila sa pagbebenta ng droga kahit na nakakuha rin ng surveillance video ang Bacoor police kung saan makikita ang mga suspek na bumabatak ng droga sa loob ng nasabing bilyaran.
Dagdag naman ni Provincial Director Police Senior Superintendent William Segun, kasama sa listahan ng mga tinututukan nilang lugar ang Bacoor dahil talamak ang bentahan ng droga rito. —Llanesca Panti/ LDF, GMA News
