Nauwi sa barilan ang alitan ng dalawang pulis sa loob ng isang restobar sa Urdaneta City, Pangasinan noong bisperas ng Bagong Taon.

Ayon sa ulat ni CJ Torida sa "Balita Pilipinas Ngayon," nagsimula ang gulo ikawalo't kalahati ng gabi noong Lunes.

Sa kuha sa CCTV, makikitang magkasunod na bumaba sa ground floor ng restobar ang dalawang pulis na magkapatid. Nilapitan nila ang isang grupo ng magkaanak, at sinita umano ang isang lalaki na inakala nila'y sibilyang may dalang baril.

Ayon sa pulis, hinablot ng sumitang pulis ang baril ng lalaking napag-alamang pulis din.

"Parang naka-umbok, akala niya na sibilyan kaya noong nilapitan niya, at nagpakilala naman 'yung kabila na pulis daw sila, doon nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan at hindi pagkakaunawaan," sabi ni Police Superintendent Rollyfer Capoquian, hepe ng Urdaneta City police station.

Itinutok daw ng nanitang pulis ang baril sa sinitang pulis.

Makikitang nagtakbuhan ang mga parokyano ng restobar nang mag-agawan ng baril ang mga pulis. 

Walang namatay sa insidente pero nasugatan ang nagkaalitang pulis maging ang may-ari ng bar.

"Kasulukuyan silang nagpapagaling ngayon at kasalukuyang silang under custody ng Urdaneta PNP," ani Capoquian. 

Paliwanag niya, "Sa side ng isang major, kinasuhan din natin sila ng frustrated murder. Kasi kung tutuusin, kung sila ang unang nagpaputok ng baril, at itinutok 'yung baril, at 'yung isa naman, sinaktan niya 'yung waiter doon."

"Sa side naman nu'ng kabila, 'yung major, kinasuhan din natin siya ng disobedience doon sa tao, considering 'yun ngang sumita sa kanya ay isang opisyal," dagdag ng hepe.

Adminstrative case

Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng mga sangkot na opisyal.  

Miyembro raw ng  Police Security and Protection Group na naka-destino sa national headquarters ang sinitang pulis.

Makikitang pumasok rin sa bar ang kapatid ng sinitang pulis na naka-destino sa Crime Laboratory ng Camp Crame.

Na-relieve na raw sa puwesto ang kapatid na pulis na naka-destino sa PRO Region 1, habang ang Camp Crame na raw ang bahala sa ipapataw na parusa para sa dalawa nilang pulis na nasangkot sa insidente.

Nangyari ang insidente matapos magbabala si Philippine National Police (PNP) chief Director Oscar Albayalde sa mga pasaway na pulis masasangkot sa indiscriminate firing o pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Iniutos rin ng PNP chief sa kapulisan na manatiling "full alert" para mapanatili ang katahimikan sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Inaaral na raw ng PNP Internal Affairs Service ang kasong administratibo na posibleng ihain sa mga pulis na nasangkot.

"Ibig sabihin 'pag full alert status po tayo, tayo po ay dapat nasa respective duties po natin kung saan tayo assigned," sabi ni Police Superintendent Crystal Peralta ng PRO Region 1-PIO.

"So 'yung sinasabi...na hindi allowed, talagang hindi sila allowed doon pero magiging part na po siya ng aggravating circumstances doon sa admin case na ipapataw po sa kanila," dagdag niya. —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News