Tinanggal na sa pwesto ang magkapatid na pulis na nasangkot sa isang insidente ng barilan sa isang restobar sa Urdaneta City, Pangasinan nitong bisperas ng Bagong Taon.
Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa Saksi nitong Miyerkules, sinibak na sa pagkakadestino ang nanitang magkapatid na pulis na nakatalaga sa Pangasinan at sa La Union matapos ang gulo.
Sa mga nauna nang ulat, nakunan ng CCTV na pumasok sa isang resto bar ang dalawa at sinita ang isang lalaking napagkamalan nilang sibilyan na may dalang baril.
Kalaunan ay napag-alamang pulis rin pala ang sinitang lalaki at naka-destino ito sa Police Security and Protection Group sa National Headquarters.
Nang magkainitan, nakigulo na rin ang kapatid ng sinitang pulis na kabaro rin pala at nakatalaga naman sa Crime Laboratory sa Camp Crame.
Nauwi sa barilan ang girian pero mapalad na wala namang namatay sa insidente.
Ipinaubaya na ng lokal na pulis sa Camp Crame ang pagbibigay ng karampatang parusa sa magkapatid na pulis na sinita sa restobar. — Dona Magsino/BAP, GMA News
