Binakante ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, Jr. ang kaniyang posisyon bilang House Majority Leader para pamunuan naman ang House committee on appropriations.

Sa sesyon ng Kamara de Representantes nitong Lunes, sinabi ni Andaya na tinanggap ng liderato ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang kaniyang pagbibitiw para pagtuunan niya ng pansin ang pagpasa ng P3.757-trilyong national budget na tinatalakay ng bicameral committee, kasama ang mga Senador.

Inirekomenda ni Andaya na pumalit sa kaniya bilang lider ng mayorya si Capiz Rep. Fredenil Castro, na sinuportahan naman ng mga kongresista.

ADVERTISEMENT

Tiniyak ni Andaya na sisikapin niyang maging "transparent, fair to all and responsive to the needs of our people" ang 2019 general appropriations budget (GAB).

"If transparency and accountability in the GAA will be my only legacy as House leader, so be it," pahayag ni Andaya, na nag-akusa kay Budget Secretary Diokno na may mga isiningit umanong pondo sa 2019 budget, partikular sa Department of Public Works and Highways.

Pero nilinaw ni Castro na walang kinalaman ang Malacañang sa nangyaring pagbabago sa kanilang posisyon.

Dagdag niya, noon pa umano ito nagpag-usapan bago pa man naupong majority leader si Andaya.

"It's part of an understanding between two gentlemen," sabi ni Castro.-- FRJ, GMA News