Buo-buong butil ng shabu na nakasiksik sa pira-pirasong straw ang nadiskubre ng mga operatiba na nagsasagawa ng anti-gambling operation sa loob ng isang bahay sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa video ang pagsalakay ng Bacoor City police sa lugar kung saan pinaupo at kinapkapan ang ilang mga naglalaro ng billiards, fruit game at video karera.
Dito napansin ng mga operatiba ang putol-putol na straw na nakuha sa ilang suspek.
Ayon kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor City police, "First time natin itong na-encounter na straw inilagay. Kung hindi mo taktakin talaga, hindi mo silipin talaga, hindi mo makikita na may shabu doon sa loob."
Matapos isagawa ang isang follow-up operation, umabot sa 11 ang bilang ng mga suspek na naaresto.
Arestado naman sa buy-bust operation sa Dasmariñas ang dalawang Nigerian na nahulihan ng P680,000 halaga ng shabu.
Ang mga suspek na si Henry Ogu at John Ude, nagpakilala raw bilang international student at church missionary.
Inaalam pa ng Cavite police ang supplier at iba pang parokyano ng mga naarestong dayuhan.
Ayon kay Cavite Provincial Police Office director Police Superintendent William Segun: "Meron naman tayong nakuhang cellphone kung saan makikita natin kung sino ang kanilang mga transactions. Aalamin natin kung may kasabwat na foreign nationals or mga Filipino nationals. —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News
