Sa kulungan ang bagsak ng tinaguriang French "Spiderman" na si Alain Robert matapos siyang arestuhin ng mga pulis nang akyatin niya nang walang permiso ang GT Tower sa Ayala Avenue sa Makati nitong Martes.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing mahaharap si Robert sa iba't ibang reklamo gaya ng alarm and scandal at trespassing.

 

 

Hindi na tuluyang naakyat ni Robert ang gusali at bumaba itong muli kung saan nag-aabang ang mga pulis.

May nakalatag din na pangsalo sa ibaba kung sakaling magkakaroon ng aberya sa pagbaba ni Robert, na ilang beses na ring naibalita sa iba't ibang bansa dahil sa pag-akyat sa mga matataas na gusali.

Tumatayo umanong abogado ni Robert si Atty. Howard Calleja na makikiusap umano sa pulisya na huwag nang kasuhan ang dayuhan na 30 taon na umanong ginagawa ang pag-akyat sa mga gusali.-- FRJ, GMA News