Bawal na ang lantarang pagsasampay ng underwear sa isang barangay sa Baguio City.
Isa raw kasi itong "eyesore" para sa sa libu-libong turistang namamasyal at dumadaan-daan sa mga kalsada ng City of Pines.
Sa ulat ni Lei Alviz sa "24 Oras" nitong Martes, makikitang mala-banderitas ang dami ng mga nakasampay na brief at panty sa ilang bahay sa Barangay Holy Ghost.
Ayon sa kagawad ng barangay na si Marlon Soliven: "Kasi ang mga turista natin, local tourist at saka foreign tourist, ano 'yun, eyesore...Kailangan 'yung mga underwear, undergarments, 'dun sa likod ng bahay, huwag sa harap."
Sa bisa ng ordinansang ipinasa ng Baguio City council, mahigpit nang ipagbabawal ang pagsasampay ng underwear malapit sa kalsada.
Ayon sa mga opisyal, bibigyan muna nila ng babala ang unang paglabag, pero pagmumultahin na ng P200 kung uulitin pa ito. —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News
