Laking pasasalamat pero palaisipan sa mga kaanak ng isang apat na taong gulang na babae kung papaano siya nakaligtas matapos lamunin ng apoy ang buong bahay nila sa Cubao, Quezon City nitong Martes ng gabi. Ang tiyahin niya, sinabing may mga "kalaro" na hindi nakikita ang bata.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA "News To Go" nitong Miyerkules,  sinabing gawa sa light materials ang bahay ng pamilya ng batang si Precious Tabuena sa Barangay Socorro sa Quezon City kaya madaling kumalat ang apoy dakong 8:00 pm.

Hinihinalang nagsimula ang apoy sa kuwarto kung saan naroon si Precious.

Makaraang ang isang oras, naapula ang sunog pero tupok na tupok ang bahay at bumigay din ang bubong.

"Pinilit po naming mapatay yung apoy, binuhusan po namin ng tubig.  Binubuhusan ko rin po yung kuwarto nila para makuha yung bata pero hindi ko po talaga nakuha yung bata," ayon lola ng bata na si Lita Rose Castillo.

Nagtulong ang mga kaanak at mga bumbero para hanapin ang bata pero hindi nila ito nakita.

At kahit wala na ang mga bumbero, patuloy pa rin sa paghahanap ang mga kaanak kay Precious. Pagkaraan pa ng mahigit apat na oras, nakita ng kaniyang lolo ang bata na maayos ang kalagayan at galos lang sa balikat at ulo ang tinamo.

Kaagad siyang isinakay sa ambulansya at dinala sa ospital.

Ayon sa lolo ng bata, sa sulok daw ng kuwarto na malapit sa pader natagpuan ang bata. 

"Hanap kami nang hanap doon," sabi ni lolo Carlos Flores. "Maya-maya andun sa sulok sabing ganun sa akin, 'Papsi'. Sabi ko, 'pong nasan ka?' Nabosesan ko, pag-ano, 'Eto po ako lolo.' Kinuha ko na agad.

Itinuturing nilang himala ang pagkakakita sa bata nang buhay dahil ilang beses nila itong hinanap sa nasunog na bahay.

Dahil sa laki ng apoy, nawalan na raw ng pag-asa na matatagpuang buhay si Precious. Bukod sa apoy, malaking peligro rin kaligtasan ng isang nakukulong sa nasusunog na bahay ang usok na nagiging dahilan para ma-suffocate ang biktima na kaniyang ikamamatay.

"Talagang malaki pasasalamat ko nahagip ko rin ang apo ko. Sa akin din talaga siya nagpakita yun lang pasalamat din po ako sa Panginoon," anang lolo.

Ang tiyahin naman ng bata, may iba pang pinapasalamatan na umano'y mga kalaro ng bata na hindi raw "nakikita."

"Thank you na rin sa mga naging kalaro niya na sinave siya. Naligtas siya," ani Flores.

Nang tanungin kung sino ang tinutukoy niyang "kalaro," tugon niya, "Hindi rin natin masabi kasi talagang nagsasalita talagang mag-isa yung batang 'yon."

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, napag-alaman na isang buwan nang walang supply ng kuryente ang bahay at naiwang kandila na may sindi ang pinaniniwalang pinagmulan ng sunog. -- FRJ, GMA News