Arestado ang dalawang umano'y drug pusher na nanamantala umano sa Valentine's Day at nagtago ng shabu sa idine-deliver nilang mga bulaklak sa Bacoor, Cavite.

Ayon sa ulat ni John Consulta SA"24 Oras" nitong Biyernes, parehong nasa drug watch list sina Jayson Jordan dela Cruz at Mary Isabelle Gahisan na naispatan ng Bacoor police sa labas ng isang convenience store sa Barangay Molino II.

Huli rin ang apat pang umano'y pusher at user matapos inguso nina Dela Cruz ang sinusuplayan nila ng droga. 

Halos kalahating milyong pison ang halaga ng droga na nakumpiska mula sa mga suspek.

Ayon kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor police: "Sinamantala talaga nila 'to at ang information lang sa atin dito ay isasabay na sa pagdeliver ng bulaklak galing dito sa Metro Manila."

Dagdag niya, "inaalam pa namin itong ganitong diskarte nila kasi kakaiba nga naman dahil, unang-una, sinasabayan nila 'yung mga okasyon."

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News